Rizal sa Dapitan
Ang pelikulang pinamagatang “Rizal sa Dapitan” ay naglalaman ng iba’t ibang dyanra na sumasaklaw sa karanasan ng mga Pilipino noong panahon ng mga Español. Ang pangunahing tema nito ay umiikot sa kabayanihan, katapangan at kagitingan na marapat pumapaloob sa karakter o katangian ng isang Pilipino. Nang ipatapon si Rizal sa Dapitan, maraming bagay ang kanyang naranasan: mga bagay na marahil nakapagpabago sa kanyang ideolohiya at bugso sa pakikibaka.
Dapitan: Tahanan o Bilangguan
Sa kanyang pagdating sa Dapitan, nakita niya ang bayan na kalunos-lunos. Ipinangako niya sa kanyang sarili na gagawa siya ng mga bagay na magsasanhi nang kaunlaran nito. Bilang pagtupad, lumikha siya ng patubigan gawa sa kawayan; ipinatanggal ang tubig sa mga ilat upang maiwasan ang pagkakaroon ng mga lamok na nagiging sanhi ng sakit na Malaria; at nagpagawa ng mga lampara para sa mga kalsada. Marahil siya ay isang bilanggo sa piitang ito ngunit hindi ito naging hadlang sa kanyang pagtulong. Hindi niya ipinagkait ang kanyang husay sa iba’t ibang aspeto bagkus siya ay nagturo sa mga kabataan nang paggamit ng arnis, pagbabasa, at iba pang praktikal na kaalaman. Siya rin ay nagbigay ng libreng gamot, konsultasyon, at opera sa mga mahihirap.
Nagtaka si Kapitan Ricardo Carnicero sa desisyong pagbalik ni Rizal sa Pilipinas yamang napagaalaman na may nagbabadyang panganib sa kanyang pagbabalik. Ang naging tugon ni Rizal ay “Ang laban ay narito sa Pilipinas, wala sa Hong Kong”. Ipinapakita ng pahayag na ito ang katapangan sa kanyang puso at determinasyong ipaglaban ang mga Pilipino.
Ang lugar na ito ay malinaw na sinipi ni Padre Sanchez na tila isang Paraiso sapagkat ito ay mayroong dalisay na tubig, sariwang hangin at malilim na mga puno. Gayunpaman, sa pananaw ni Rizal, ito ay isang piitang puno ng paghihirap at kalungkutan.
Ang Takot at Ang Duwag
Ang lahat ng tao ay mayroong kinatatakutan. Ito ay maaaring isang bagay, tao o pangyayari. Sa ating landas na mga tatahakin, makakasalamuha ang bawat isa ng pagsubok na kailangang harapin at lagpasan. Sa pagharap sa mga hamong ito, mabuti ang maging takot ngunit masama ang maging duwag sapagkat ang takot ay normal na emosyong naglalaman ng pangamba ngunit hindi nagiging rason upang humadlang sa gawaing nakaatas; sa kabilang banda, ang kaduwagan ay nagpapakita ng pagsuko o pagtiklop matapos makita ang gawaing nakaatas. Ang kaalaman at karunungan ay nasasayang sa isang duwag ngunit nalulubos ng takot subalit matatag.
Pantay ba ang lupa?
Kailanman ang mundo ay hindi magiging patas. Sa kabila ng wasto at mabuting gawain, mayroong nasasaktan, nahihirapang at napaparusahan. Marapat na ito’y hindi maging hadlang sa paggawa ng kabutihan bagkus maging inspirasyon sa pagpapalaganap nito. Tandaan na ang kamalian ay nagdulot na ng napakaraming problema ngunit ni minsan ay hindi pa nakalutas ng isa. Katulad ni Rizal, mas pinili niyang ipaglaban ang bayan sa kabila ng pambabatikos at sakit na kanyang natamo sa halip na umupo sa isang tabi at magbulagbulagan.
Mulat na mga mata
Malinaw na nakakita si Doña Lolay matapos ang operasyon, kasama nito ang malinaw na pagkakakita sa kondisyon ni Rizal: ang kanyang kasalukuyang estado at mga pagdurusa. Dahil sa lungkot at dismaya ay nasabi niyang “marahil mabuti pang manatiling malabo ang aking mga mata o maging bulag kaysa makita ang iyong kasalukuyang nararanasan at ang mga kasamaan sa paligid”. Ang pahayag na ito ay hindi dapat isabuhay, sapagkat ito ay nagpapakita ng kawalang-muwang, bagkus ang bawat isa ay dapat maging mulat, mulat sa katotohanan; at maging parte ng bansa, matuto at makialam. Ang pagiging ignorante ay isang kahangalang hindi dapat pagkabihasaan.
Sanggunian:
https://www.scribd.com/doc/296165097/Rizal-Sa-Dapitan-Reaction-Paper-Tagaloghttps://www.scribd.com/document/246178294/Reaction-Paper-Rizal-in-Dapitan#
Comments
Post a Comment